Mas lalong hinigpitan ng Israel ang kanilang pagbabantay sa kanilang borders at airspace kasunod nang inaasahan na paglala ng sitwasyon matapos na mangako si Israeli Prime Minister Banjemin Netanyahu na igaganti ang pagkamatay ng 12 bata sa Golan Heights na tinamaan ng rocket mula sa Hezbollah habang sila ay naglalaro ng football.
Sinabi ni Ed Vicky Soriano Monzon, Bombo International News Correspondent sa Israel na patuloy ang pagpapakawala ng Hezbollah ng missile sa Israel at walang pinipiling oras.
Ayon sa kanya, nakakatakot na rin ang sitwasyon dahil sa posibleng anomang oras ay sisiklab ang mas matinding kaguluhan sa sandaling ilulunsad ng Israel ang kanilang pagganti sa Hezbollah.
Dahil dito, sinabi ni Monzon na patuloy ang paalala sa kanila ng Israeli government na mag-ingat, magtago sa mga bomb shelters at mag-imbak ng mga pagkain at mga tubig.
Idinagdag pa ni Monzon na maraming flights na rin ang kanselado at kung mayroon mang flights ay dumoble na ang pasahe.