Tiniyak ng Fertilizer and Pesticide Authority o FPA sa rehiyon dos ang mahigpit nitong pagbabantay sa pagdating ng supply ng mga abono at pestisidyo sa lambak Cagayan upang maprotektahan ang mga magsasaka.
Sinabi ni FPA Region 2 Manager Leonardo Bangad na maayos naman ang mga abono na dumating kamakailan sa rehiyon at wala silang namonitor na peke o smuggled.
Ayon pa kay Bangad napakalaking bulto ng abono ang pumapasok sa rehiyon dahil sa lawak ng taniman ng mais at palay maliban pa sa mga gulayan.
Sa katunayan, nitong nakaraang taon mahigit 3 milyong bags ng abono ang na-dispose sa Lambak Cagayan.
Nagpasalamat naman si Bangad sa DA Regional Field Office 2 sa pagbibigay nito ng office space sa Cagayan Valley Integrated Agricultural Laboratory ng DA sa Regional Gov’t Center, Carig, Tuguegarao City.
Ayon sa kanya, dahil dito ay napapabilis ang pagtesting at pagkuha ng laboratory result sa mga abono at pestisidyo na kanilang sinusuri.