TUGUEGARAO CITY- Nagbabala ang pangulo ng mga mag-aalamang sa bayan ng Aparri, Cagayan sa mga susuway sa kautusan na bawal muna ang paghuhuli ng alamang na nagsimula noong September 1.
Sinabi ni Ricardo Umoso, closed season ngayon ng panghuhuli ng alamang dahil sa panahon ngayon ng pagpaparami ng nasabing uri ng isda.
Ayon sa kanya, muling bubuksan ang paghuli sa alamang sa November 15.
Ang nasabing hakbang ay bilang tugon sa kautusan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na pinagtibay naman ng konseho ng Aparri.
Sinabi ni Umoso na mahuhuli at papatawan ng kaukulang penalty ang mga lalabag sa nasabing kautusan.
Kaugnay nito, nanawagan si Umoso na itigil muna ang mga aktibidad sa bukana sa ilog sa Aparri upang hindi mabulabog ang mga alamang.
Ang panghuhuli sa alamang ang isa sa pangkabuhayan ng mga residente sa nasabing bayan.
Sa katunayan, tinawag na “Aramang Festival” ang patronal fiesta ng Aparri.
Ipinatupad ang pagbabawal sa paghuli ng alamang mula September 1 hanggang November 15 bawat taon noong 2015.