Mahigpit na pinaiiral ngayon ang pagbabawal ng pamamalaot ng mga mangingisda at kanselasyon ng biyahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat at mga maliliit na eroplano sa Batanes dahil sa banta ng bagyon Jenny.

Ayon kay Roldan Esdicul, Head ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, bahagi ito ng pagtiyak ng Pamahalaang Panlalawigan sa kaligtasan ng publiko sakali man na lumakas ang hangin at ulan na posibleng idulot ng bagyo.

Inihayag niya na may ilang mga manggagawa na nagtungo sa Isla ng Sabtang ang na-stranded at hindi na pinayagang makauwi dahil sa banta ng bagyo.

Sa ngayon aniya ay wala pa naman aniyang malakas na epekto ang bagyo sa kanilang probinsya maliban sa kung minsan ay pagbugso ng hangin at mahihinang mga pag-ulan.

Gayonman, itinali na aniya ng mga residente ang bubong ng kanilang mga bahay at ang iba ay naglagay na rin ng mga materyales na panangga sa hangin.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Esdicul na naka-preposition na rin ang mga family food packs at mga non-food items sa lahat ng munisipalidad ng Batanes upang sakali man na kailanganin ito ng mga residenteng maililikas ay mabilis lamang ang pamamahagi ng tulong.

Saad pa niya, sapat naman ang supply ng mg Basic necessities at mga prime commodities sa kanilang lalawigan dahil kakahatid lamang ng mga barko na naghatid ng mga supply at maging ang petrolyong ginagamit sa kanilang power supply ay sapat naman sa ngayon.