Nakahanda si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon “Bong” Revilla Jr. na dinggin ang resolusyon na layong imbestigahan ang mga insidente ng pagbagsak ng tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inihain ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Senate Resolution 1319 para siyasatin “In Aid of Legislation” ang mga insidente ng pagbagsak ng mga tulay tulad ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela nito lamang February 17, Magapi Bridge sa Balete, Batangas noong October 28, 2024, Bantilan Bridge noong October 29, 2022, at marami pang iba.
Ayon kay Revilla, sa kabila ng pagiging abala sa halalan ay handa ang kanyang komite na magsagawa ng imbestigasyon sakaling mai-refer ito sa Committe on Public Works.
Maaari aniyang ma-i-refer ito sa kanyang komite o sa Senate Blue Ribbon Committee.
Inatasan naman ni Revilla ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng report tungkol sa tulay na bumagsak at hinihintay na lamang niya ito.
Muling iginiit ni Revilla na dapat ay may ulong gugulong o masibak sa insidenteng ito hindi lang ang mga contractor kundi pati ang mga tauhan ng DPWH na sangkot sa proyekto.