Itinuturing ng Philippine National Police Region 2 na election-related incident ang pamamaril-patay kay Mayor Joel Ruma ng bayan ng Rizal, Cagayan, at ikinasugat ng dalawang iba pa sa barangay hall ng Iluru Sur kagabi.

Sinabi ni PMAJ Sharon Mallillin, information officer ng PRO 2 ang parameters sa pagturing na may kaugnayan sa eleksion ang nasabing pamamaril ay dahil sa kandidato si Ruma sa parehong posisyon.

Kasabay nito, sinabi niya na nagpulong na at nasa lugar na ang special investigation task group ng PNP Region 2 at iba pang PNP units para magsagawa ng imbestigasyon at mangalap ng mga ebidensiya.

Nagtamo ng tama ng baril sa kanang balikat si Ruma na tumagos sa kanyang likod.

Nadamay naman sina Merson Abiguebel na tinamaan sa sa siko at Melanie Talay ay may tama kaliwang dibdib at sa likod, na malapit sila noon kay Ruma.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Mallillin na nasa stable condition na ang dalawang sugatan sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.

Ayon kay Mallillin sa ngayon ay wala pang inilalabas ang PNP Forensic Unit kung anong uri ng baril ang ginamit sa pamamaril.

Kaugnay nito, sinabi ni Mallillin na magsasagawa ng special meeting ang Regional Joint Security Control Center (RJSCC)ng Comelec at sila ang magsasagawa ng rekomendasyon at resolution kung isasailalim sa Comelec control o ilalagay ito sa red category kaugnay sa nalalapit na halalan.