Tuguegarao City- Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagbaril-patay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui Tarlac.

Sa panayam kay Atty. Egon Cayosa, IBP President, nangangahulugan lamang na kailangang huwag balewalain ang “rule of law” para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Paliwanag nito, kailangan maipatupad ang “due process” upang hindi maabuso ng mga may masasamang loob na gumagamit ng dahas na pumatay ang justice system ng bansa.

Sinabi ni Cayosa ito ang isang halimbawa ng insidente upang lalo pang tutukan ng pamahalaan na panagutin ang mga mapang-abusong nakaupo sa posisyon.

Kaugnay nito ay umaasa ang IBP na pagtutuunan ng pansin ito ng pambansang pulisya para maibigay ang hustisya sa mga nabibiktima ng karahasan sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinang-ayunan naman ni Atty. Cayosa ang rekomendasyon ni Sen. Panfilo Lacson na kailangang iturn-over ng isang pulis na wala sa duty ang kanyang issued firearms upang hindi ito magamit sa anumang karahasan.

Ipinunto niya na sakaling wala na sa kanyang duty ang isang pulis ay ipaubaya na sa mga naka-duty ang kanilang responsibilidad dahil hindi naman ang personal number ng PNP Member ang tatawagan sakaling may kailangang respondehan kundi ang mismong himpilan ng pulisya.

Gayonman, nilinaw niya na hindi maaaring pagbawalang kumuha ng video o larawan ang sinuman kaugnay sa nangyayaring krimen bilang ebidensya lalo na kung nasa pampublikong lugar

Ito ay kaugnay sa pahayag ni Gen. Debold Sinas na iwasan ang pagvideo at pag-picture upang hindi mapahamak at buweltahan ng mga may masasamang loob.

Ayon kay Atty. Cayosa, naiintindihan niya ang punto ni Sinas para sa kaligtasan ng mga ito ngunit kailangan din ng magandang koordinasyon para sa malalimang imbestigasyon at maihain ang hustisya para sa mga biktima ng karahasan.