Tiniyak ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ng Kalinga na kontrolado ang kasalukuyang sitwasyon kaugnay ng pamamaril-patay sa tatlong lalaki sa Barangay Julian, Tabuk City kaninang umaga.

Sa pahayag, sinabi ng PPOC na agad na tumugon ang PNP Kalinga, Philippine Army, maging ang Matagoan Bodong Council at Kalinga Bodong Council of Elders upang matiyak na hindi na tumindi o lumala pa ang sitwasyon na sangkot ang dalawang sub-tribe sa mga lugar ng Basao at Biga.

Hinimok naman ni Kalinga Governor James S. Edduba ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagkabahala.

Ayon sa gobernador, ang hidwaan ay umiikot lamang sa dalawang sub-tribe at hindi dapat madamay ang mga hindi sangkot.

Nanawagan rin siya na hayaan ang mga kinauukulang ahensya at konseho ng matatanda na mamagitan upang maayos ang gusot sa mapayapang paraan sa pagitan ng dalawang tribo.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, sinabi ng PNP Kalinga na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon at pagtugis sa mga sangkot sa nasabing insidente.

Ang mga namatay ay kabilang sa Basao tribe.