TUGUEGARAO CITY- Iaakyat ng kampo ni Dr. Zara Lara sa Supreme Court ang desisyon ng COMELEC En Banc na pagbasura sa inihain na petition for disqualification sa kandidatura ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan ng kanyang nakatunggali sa May 2022 elections na si Dr. Zara Lara.
Sinabi ni Atty. Victor Casauay, legal counsel ni Lara na ito ay dahil naniniwala sila na may mali sa resolusyon ng COMELEC En Banc na nagsasabi na ang kaso ay lack of jurisdiction dahil sa naisampa ang petisyon ng lampas na sa panahon.
Subalit, sinabi niya na ito ay issue lamang ng teknikalidad dahil naniniwala sila na naihain nila ang petisyon bago pa man ang proklamasyon ni Mamba.
Bukod dito, sinabi niya na may pagkilala ang COMELEC En Banc na may ginawang pagkakamali si Mamba dahil iniutos ng komisyon na dalhin sa Law Department criminal aspects ng nasabing kaso para sa preliminary investigation.
Magugunita na diniskwalipika ng COMELEC Division si Mamba dahil sa umano’y illegal disbursement ng pondo noong panahon ng halalan.
Kasabay nito, sinabi ni Casauay na may pending pa na petisyon laban kay Mamba sa COMELEC 1st Division.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na maituturing na hustisya para sa lahat ng mga nagtitiwala sa kanyang panunungkulan ang naging desisyon ng COMELEC En Banc lalo na at wala aniya siyang biniling boto taliwas sa ipinaparatang sa kanya.