Magsasagawa ng public hearing ang sangguniang panlunsod ng Tuguegarao sa proposed ordinance na pag-regulate sa pagbebenta, distribution at paggamit ng e-cigarettes o vape sa lungsod.

Sinabi ni Councilor Claire Callangan, chairman ng Committee on Health na layunin nito na mapagtibay ang inilabas na executive order ng sangay ehekutibo kaugnay sa nasabing usapin.

Ayon kay Callangan, iimbitahan nila sa public hearing ang City Health Office, kapulisan, ilang kaukulang ahensiya, ilang duktor at mga stakeholders upang makakuha sa kanila ng mga suhestion para sa nasabing panukalang ordinansa at maipabatid din ang kaukulang penalty sa sandaling ito ay maaprubahan.

Sinabi ni Callangan na kabilang sa mga nakasaad sa panulalang ordinansa ang pagbabawal ng pagbebenta ng e-cigarettes malapit sa mga paaralan, bawal na bentahan ang mga menor de edad at kailangan na maglagay din ng warning signs sa mga nasabing produkto tulad ng mga inilalagay sa mga pakete ng sigarilyo.

Bukod dito, sinabi ni Callangan na plano rin na ang mga magulang ang pananagutin kung ang kanilang mga anak na menor de edad ay mapatunayan na gumagamit ng vape.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyan diin ni Callangan na nakakabahala na ang pagdami ng mga gumagamit ng vape na kinabibilangan ng mga kabataan maging ang mga nasa elementarya pa lamang.