Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa Department of Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang pagiging maluwag ng ilang barangay sa pagbibigay ng barangay certifications na nagbubunsod ng iregular na paglipat ng mga botante.

Sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na ang paggamit ng barangay certification bilang proof of residence ay maaaring inaabuso ng mga lokal na opisyal sa panahon ng halalan.

Ayon sa kanya, hiling nila sa DILG na imbestigahan ang mga nagbibigay ng mga bogus na barangay certification.

Sa kasalukuyan, ang isang requirement na puwedeng ipakita bilang identification document para maging registered voter sa isang lugar ay barangay certification o certification na may litrato.

Subalit, sinabi ni Garcia na magreresulta ito sa “mass migration” o paglipat ng mga botante mula sa isang lugar papunta sa ibang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, ipinunto ni Garcia ang ruling ng Supreme Court na maaaring gamitin ang barangay certification kung walang government IDs.

Subalit, iginiit niya na naaabuso ang pagggamit ng barangay certification.