Inihayag ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang katotohanan at isang “fake news” ang kumakalat sa Facebook na makatatanggap ng financial assistance ang mga persons with disabilities (PWD), walang trabaho, at mga senior citizens.
Base sa abisong inilabas ng DSWD, ang website account na naglabas ng impormasyon ay isa sa natukoy na nagbibigay ng mga pekeng impormasyon tungkol sa mga serbisyo at programa ng ahensya.
Nangangamba ang DSWD sa posibilidad na maaring maidulot sa publiko ng “fake news” na ito.
Sa pahayag ng Kagawaran, may mga programa ang DSWD na maaaring i-avail ng qualified beneficiaries tulad ng assistance to individuals in crisis situation program at ang social pension program para sa mga indigent senior citizens.
Babala ng DSWD, maging maingat at huwag magpalinlang sa ganitong uri ng mga mga post sa social media upang hindi mabiktima ng scam.
Dahil dito ay hinihikayat ang publiko na bisitahin lamang ang mga official social media pages ng kanilang tanggapan at kumpirmahin muna ang anumang kahina-hinalang post.