Pinabibilisan ni Sen. Imee Marcos ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka na nasalanta ng nagdaang bagyong Julian.
Sa kaniyang pagbisita sa lalawigan ng Cagayan, nakita ng senador ang mga nasirang pananim at umitim na mga aning palay at mais dahil hindi agad na naibilad bunsod ng sama ng panahon.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na siya ring vice chairperson ng Committee on Agriculture sa Senado na kakausapin niya ang Department of Agriculture para bilisan ang pagbaba ng ayuda sa mga naapektuhan ng bagyo.
Maliban sa tulong mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development, iminungkahi ng senador ang pamamahagi ng mga mabilis anihin o mapakinabangan na alagang hayop gaya ng baboy at manok para may kagyat na pagkakitaan ang mga mamamayan na naapektuhan ang pangkabuhayan.
Aminado si Marcos na maraming dapat ayusin sa sektor ng agrikultura lalo na sa mga post-harvest facilities para ma-minimize ang pagkasira ng mga aning produkto ng mga magsasaka lalo na kung mayroong kalamidad.
Dagdag pa ng senador na bilang isa sa mga namumuno sa cooperative development committee ng senado ay itinutulak nito ang pag-amyenda sa cooperative law sa lungsod ng Tuguegarao.
Isinusulong nito na ma-exempt sa pagababayad ng buwis ang mga agricultural cooperative para mahikayat ang mga ito na magpatupad ng mga programa na makakatulong na maresolba ang karaingan ng mga magsasaka.
Kahapon ay personal na namahagi ng tulong ang presidential sister sa mga naapektuhan ng bagyo sa lalawigan.
Naunang namahagi ang senador ng nasa 3,000 foodpacks sa bayan ng Claveria at Sta. Parexedes.
Hinimok naman ng dswd na aniya’y may malaki pang pondo, na agarang ibigay ang mga kailangang tulong upang hindi lamang maibabalik ang pondo sa National Government hanggang sa buwan ng Disyembre ngayong taon.