Mahigpit na binabantayan ng mga otoridad ang pagbyabyahe ng mga ibebentang baboy sa mga pamilihan sa lalawigan ng Cagayan matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang isang slaughter house sa bayan ng Gonzaga.

Ayon kay Dr. Ronnie Ernst Duque, Regional Director ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2, agad nilang ipinasara ang operasyon ng naturang slaughter house matapos itong magpositibo sa ASF base sa isinagawang pagsusuri.

Sinabi pa ni Duque na magsasagawa sila ng masinsinang disinfection at cleaning protocol upang matiyak na kontrolado ang virus kaya hinikayat nya ang mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na baboy upang maiwasan ang pagkalat ng ASF virus.

Pinaalalahanan din ng NMIS ang mga nag-aalaga ng baboy na agad ipagbigay-alam sa kanilang municipal veterinary office ang anumang sintomas ng sakit sa kanilang alaga.

Binigyang diin din ni Duque ang kahalaghan ng pagkakatay ng baboy ay kailangang dumaan sa lehitimong slaughter house upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t muling nagkaroon ng ASF sa probinsiya, tiniyak ni Duque na sapat pa rin ang suplay ng karne ng baboy sa Cagayan ngunit aasahan na magkakaroon ng pagtaas sa presyo nito sa mga pamilihan dahil sa naturang insidente.

Hinihikayat din ng NMIS ang mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na baboy upang maiwasan ang pagkalat ng ASF virus.

Sa ngayon Patuloy ang mahigpit na monitoring ng mga otoridad upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at mapanatili ang kaligtasan ng pagkain para sa publiko.