TUGUEGARAO CITY-Mahigpit na ipapatupad simula ngayong araw, Marso 18, 2020 ang pansamantalang pagpapatigil sa pagbiyahe ng mga pampasaherong tricycle sa lungsod ng Tuguegarao para maipatupad ang social distancing bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Vince Blancad, head ng Public Order and Safety Unit (POSU)-Tuguegarao,mahirap na maipatupad ang social distancing kung patuloy na mamamasada ang mga pampublikong sasakyan kasama na ang mga tricycle sa lungsod.
Nilinaw naman ni Blancad na kung gagamit ng private tricycle ay gagamitin lamang ito sa pagkarga ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ngunit kailangan ay isa lamang ang sakay nito o pasahero.
Pansamantala ring ipinagbabawal ang mga backrides sa motorsiklo bilang bahagi ng alituntunin para sa social distancing sa mga sasakyan.
Dagdag pa ni Blancad, ilan lamang sa kanilang mga pinapapasok sa lungsod ay ang mga sasakyan na magde- deliver ng pagkain o supply ng mga pangunahing pangangailangan, mga magpapagamot maging ang mga manggagawa.
Aniya, kailangan lamang magpakita ng ID bilang patunay na sila’y nagtatatabaho sa lungsod ng Tuguegarao.
Samantala, hinimok ni Blancad ang publiko na manatili na lamang sakanilang tahanan at kung mayroong bibilhin sa labas ay isang miyembro kada pamilya lamang ang aalis para maipatupad ng maayos ang social distancing.