Umapela ang grupong Hustisya Cagayan sa mga mambabatas sa lambak ng Cagayan na ihain sa kongreso ang kanilang petisyon na humihiling na muling buksan ang aplikasyon sa pamimigay ng kumpensasyon sa mga biktima ng martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Charles Valencia, tagapagsalita ng Hustisya Cagayan na marami pa sa mga biktima o sa mga naiwan ng mga ito na mahal sa buhay ang hindi pa nakukuha ang kanilang compensation.

Kalakip rin ng petisyon na pirmado ng mahigit tatlong libong biktima ang panawagang pagaanin o limitahan ang mga requirements sa pamimigay ng karampatang compensation.

Sinabi ni Valencia na sa buwan ng Nobyembre, ilalatag nila kay 3rd district Congressman Jojo Lara ang naturang petisyon upang ihain sa kongreso at hiniling ang suporta ng mga mambabatas sa rehiyon.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint resolution na nagsasaad ng extension hanggang sa katapusan ng taon ng pagpapalabas ng bayad pinsala sa mga human rights victim.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, hindi ito nangangahulugan ng muling pagbubukas ng aplikasyon para sa mga bagong claimants na natapos na noon pang Mayo ng 2018.