Prayoridad aniya ni re-elected Cagayan Governor Manuel Mamba sa kanyang ikatlo at huling termino ang konstruksyon ng international airport sa bayan ng Piat at pagbubukas ng Port of Aparri.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mamba na bukod sa pagpapatuloy ng kanyang mga nasimulang programa sa ilalim ng Cagayan Development Agenda 2025 ay mahalaga aniya ang pagbubukas ng internasyunal na paliparan at daungan na siyang magpapalakas sa ekonomiya at tourism industry ng lalawigan.

Ang planong ito ng gubernador ay magdudugtong aniya para sa pagpasok ng mga international investors at kalakalan sa kalapit na mayayamang bansa gaya ng China, Taiwan, Korea, at Japan.

Ayon kay Mamba, malaki itong opotunidad para sa mga Cagayano upang maiangat ang antas ng pamumuhay lalo nat ang lalawigan ang may magandang coastline sa buong rehiyon at sa northern Luzon dahil sa tanyag na Cagayan river.

Nanindigan rin ang gubernador na walang blacksand mining sa kanyang termino at tanging dredging lamang ang mayroon sa bayan ng Aparri na ang layunin ay mapalalim ang ilog para sa planong pagbubukas ng daungan upang makapasok ang mga malalaking barko.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan din siya sa mga kritiko na isantabi na ang politika, kundi ay bigyan siya ng pagkakataon na matupad ang kanyang plano para sa mga Cagayano.