Ipinagpaliban muna ang pagbubukas ng klase para sa blended learning sa lalawigan ng Batanes na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kiko.
Ayon kay Vice Governor Ignacio Villa, nagdesisyon ang Schools Division Office ng Batanes na ipagbaliban sa susunod na Linggo, September 20 ang pagsisimula ng klase sa halip na nitong Lunes, September 13.
Itoy upang mabigyan ng panahon ang mga magulang at mag-aaral na mag-ayos sa kanilang bahay na nasira ng bagyo.
Sa ngayon ay nasa P18 milyon na rin ang inisyal na halaga ng nasira sa mga gusali ng paaralan sa naturang lalawigan.
Samantala, stable pa rin ang presyo ng mga bilihin sa lalawigan na nasa ilalim na ng state of Calamity.
Ayon kay Trade and Industry Provincial Director Marietta Salviejo, hindi nagbago ang Suggested Retail Price o SRP ng mga produkto, gayunman nakitaan na ito ng pagbaba ng suplay lalo sa mga GI sheets at iba pang hardware materials.
Out of stock na rin ang kandila sa mga pamilihan dahil sa kasalukuyan ay hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente sa lugar.
Kasabay nito, sinabi ni Frances Obispo, tagapagsalita ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO) na handa silang magpadala ng mga linemen na tutulong sa pagpapanumbalik ng kuryente na sakop ng Batanes Electric Cooperative.
Bagamat mayroon nang inisyal na paguusap sa pagitan ng CAGELCO at BATANELCO ay inaantay na lamang sa ngayon ang formal request ng kooperatiba na kasalukuyan pang nagsasagawa ng kanilang damage assessment.
Sinabi ni Obispo na nasa 12 fully vaccinated na line workers ang nakahandang ipadala, kasama ang dalawang sasakyan ng kooperatiba na tutugon sa pagpapanumbalik ng kuryente sa lugar sa ilalim ng Task Force Kapatid.