Suspendido ang unang araw ng pagbabalik eskwela ng mga estudyante sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Cagayan dahil sa patuloy na banta ng bagyong Goring.

Ayon kay Governor Manuel Mamba, bukod sa sama ng panahon ay nakararanas pa ng pagbaha ang ibang bayan lalo na sa katimugang bahagi ng lalawigan habang patuloy pang ginagamit ng mga evacuees ang maraming paaralan.

Mananatili naman ang suspensyon hanggat hindi ito binabawi ng tanggapan ng gobernador.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Mamba sa mga lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng inspection sa nararanasang pagbaha na aniya’y dahil sa kakulangan ng epektibong drainage system.

Kailangan aniyang tiyakin ng mga local engineers na kaya ng drainage na saluhin ang tubig-ulan upang may dadaluyan ang tubig para mabilis na humupa ang baha.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy ang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa posibleng pagtaas pa ng water level ng Cagayan river.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO na inaasahang babagsak sa Cagayan river ang tubig-ulan na ibinuhos ng bagyo sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela.

Kagabi ay nasa six meters ang water level sa Buntun bridge at itataas ang alert level kapag umabot na sa nine meters ang tubig sa nasabing ilog.

Kung magpapatuloy ang pagtaas ng water level ay posibleng madagdagan pa ang mga ililikas lalo na sa mga residenteng naninirahan malapit sa ilog at mga nakatira sa mabababang lugar.

Sa ngayon ay umaabot na sa 2, 342 na pamilya o mahigit 7, 000 na indibidwal ang inilikas mula sa 17 bayan sa lalawigan dahil sa pagbaha at banta ng pagguho ng lupa bagamat may ilang pamilya na ring pinayagang makauwi.

Wala namang naiulat na nasawi maliban sa dalawang nasugatan habang patuloy pang inaalam ang halaga ng pinsala ng bagyo.

local aug 28

Hindi muna pinapayagan na makabalik sa kanilang mga tahanan ang 56 na pamilya na binubuo ng 197 individuals sa bayan ng Alcala, Cagayan dahil sa pangamba na bibigay ang small water impounding project sa Barangay Cabuluan.

Sinabi ni PMAJ George Maribbay, hepe ng PNP Alcala na isinailalim sa pre-emptive evacuation ang mga nasabing residente matapos na makitaan ng bitak ang gitna ng nasabing proyekto matapos na tumaas ang tubig bunsod ng walang tigil na malalakas na ulan kahapon dala ng bagyong Goring.

Ayon kay Maribbay, nagsasagawa na ng assessment ang Environment Management Buruea, Department of Environment and Natural Resources at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Alcala sa sitwasyon ng nasabing impounding project para sa gagawing kaukulang aksion.

Umaasa si Maribbay na hindi na tataas pa ang tubig sa water impounding project at wala nang paggalaw para hindi madagdagan ang bitak nito dahil kung tuluyang bibigay ay may maaapektohan na mga kabahayan.

Samatala, sinabi ni Mayor Elpidio Rendon ng bayan ng Amulung na impassable na ang Goran-Cordova Bridge habang binabantayan ang dalawa pang tulay dahil sa malapit na rin ang umapaw ang tubig sa mga ito.

Dahil dito, sinabi ni Rendon na pinapabantayan niya ito sa kanilang engineers at maging sa mga pulis upang matiyak na walang dadaan sa mga nasabing tulay kung aapaw na ang tubig upang maiwasan ang anomang hindi magandang insidente.

Patuloy na nagsasagawa ng pag-iikot ang mga opisyal kabilang ang alkalde ng bayan ng Tuao, Cagayan sa gitna nang nararanasang pagbaha sa malaking bahagi ng nabanggit na bayan.

Sinabi ni Warren Turo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na maraming barangay ang hanggang tuhod ang tubig baha bunsod ng walang tigil na pagbuhos ng ulan.

Ayon kay Turo, may mga lumikas na mga residente subalit hindi sila pumunta sa mga evacuation centers sa halip ay ipinatupad nila ang adopt a neighbor scheme.

Sinabi pa ni Turo na binaha na rin ang mga tulay sa kanilang bayan maliban lang sa Itawes bridge na maaari nang madaanan matapos na bahagyang humupa ang tubig-baha.

Gayonman, sinabi niya na patuloy ang monitoring ng MDRRMO dahil sa nakakaranas pa ng pag-uulan sa kanilang bayan at posibleng sa mga susunod na oras ay muling maiipon ang tubig lalo na sa mga low lying areas.

Sinabi pa niya na may isang bahay na nasira matapos na madaganan ng natumbang puno ng sampalok sa Brgy. Santo Tomas.

Wala namang nasaktan sa nasabing insidente dahil nagkataon na wala ang naninirahan doon pamilya na binubuo ng apat katao.

Sinabi niya na nagsasagawa na rin ng on site inspection ang mga tauhan ng Municipal Agriculture Office sa mga pananim na naapektohan ng malawakang pagbaha.