Tuguegarao City- Patuloy na pinaghahandaan ng Department of Education (DepEd) Region 2 ang mga ipatutupad na alituntunin sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2020-2021.
Kaugnay nito ay ang pagtutok ng kagawaran sa enrollment system upang maabot ang mga mag-aaral na hindi pa nakakapagparehistro.
Sa panayam kay Amir Aquino ng DepEd Region 2, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng remote enrollment ng mga paaralan sa rehiyon.
Aniya, naglunsad pa ang DepEd ng Drop box enrollment system upang maabot ang mga malalayong lugar na hindi natatawagan o nasasakop ng remote enrollment.
Ang Drop box enrollment ay isang sistema kung saan maglalagay ng mga drop boxes at forms sa bawat barangay na doon kukunin at ihuhulog ang mga form na lalagdaan para maka-enroll ang mga mag-aaral.
Paliwanag ni Aquino, magiging katuwang dito ang mga opisyal ng barangay upang maipaalam sa mga residente ang nasabing hakbang.
Bahagi aniya nito ay upang masiguro na matupad ang mga alituntunin sa paglaban sa COVID-19 at maiwasan ang pagkukumpulan ng mga nais mag-enrol.
Sa huling datos ng DepED Region 2, mula sa target na 900,000 na dapat mag-enrol ay nasa 400, 111 enrollees na ang naitala ng kagawaran sa buong rehiyon.
Ito ayon kay Aquino ay nasa 45% na mula sa kabuuan kung saan ay nasa pangatlong lingo palamang mula ng buksan ang enrollment.
Samantala, sa ngayon ring inihahanda ng kagawaran ang kanilang “Basic Education Learning Plan” na gagamitin sa pagtuturo alinsunod sa mandato ng pamahalaan laban sa banta ng COVID-19.