TUGUEGARAO CITY-Aprubado na sa city council ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang resolusyon na humihiling sa tanggapan ni Mayor Jefferson Soriano at sa city health office (CHO) na bumuo ng sub-task force ng vaccination team na siyang magbabakuna sa mga indibidwal na hindi na kayang pumunta sa mga vaccination sites.

Ayon kay Councilor Atty. Raymund Guzman na siya ring vice chairman ng committee on health and sanitation, nakapaloob sa resolusyon na magkakaroon ng sariling grupo na magsasagawa ng pagbabakuna sa bahay mismo ng mababakunahan na hindi na kayang tumayo o maglakad dahil sa kanilang karamdaman .

Aniya, marami sa mga nasa priority groups ang hindi na kayang makapunta pa sa vaccination sites tulad ng ilang senior citizen, PWDs at marami pang iba kung kaya’t ito ang nakikitang paraan para mabigyan sila ng bakuna laban sa covid-19.

Tinig ni Atty. Reymund Guzman

Samantala, inaprubahan na rin ang resolusyong humihiling sa ibang medical association na tumulong sa ginagawang vaccination program ng lungsod.

Sinabi ni Guzman na kailangan ang karagdagang pwersa ng mga healthcare workers dahil hindi sapat ang bilang ng mga nagsasagawa ng pagbabakuna sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, tiniyak ng mga medical association na magbibigay sila ng tulong para sa pagbabakuna kung saan malaking bagay ito lalo na ang mga nasa priority groups at para mas mapabilis din ang pagtuturok ng covid-19 vaccine.