
Nauwi sa girian ang pagbuwag ng mga pulis sa hanay ng mga residenteng nagbarikada kontra sa mining exploration ng isang kumpanya sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya nitong Biyernes, Oct. 17.
May pagkakataon pang sapilitang hinila ng mga pulis ang ilang residente upang mapaalis sa kanilang hanay.
Tatlo sa kanila ang dinampot ng mga pulis.
Kasunod ito nang isilbi ng mga awtoridad ang kautusang nagpapalawig sa temporary restraining order hanggang October 30 upang pagbawalan ang mga residente na magsagawa ng barikada sa bukana ng minahan na nagsimula pa noong October 6.
Una nang naglabas ng kautusan ang Regional Trial Court-Branch 30 na nagbabawal sa pagbarikada sa lugar noong October 14.
Gayunman, mariing pinabulaanan ng Police Regional Office 02 na nagkaroon ng gulo sa pagpapatupad ng TRO ngunit aminadong nagkaroon ng tensyon subalit nagkasundo rin umano ang magkabilang panig para sa implementasyon ng TRO.
Samantala, nanawagan naman si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa Provincial Government na kumilos na upang ipagtanggol ang mga residente.