TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ng Ugnayan ng mga Manggagawa sa Agrikultura na hindi solusyon sa problema ng mga magsasaka ang pagbuwag sa Land Bank.
Sinabi ni Antonio Flores, national chairman ng grupo na walang saysay ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang Land Bank kung hindi gagawin ang kanilang mandato na para sa mga magsasaka kung hindi bubuo ang pamahalaan ng mga programa na makakatulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
Tinukoy ni Flores ang pangangamkam ng mga dayuhang kapitalista sa mga lupain ng mga magsasaka para sa kanilang mga negosyo sa ilalim ng land conversion ng Department of Agrarian Reform.
Bukod dito, sinabi niya na dahil sa unti-unti nang nawawala ang mga sakahan dahil sa land conversion ay hindi rin maaabot ang hinahangad ng pamahalaan na food security sa mga susunod na taon.
Samantala, sinabi ni Flores na hindi siya sang-ayon sa kahilingan ni Duterte sa kongreso na aprubahan na ang Coconut Levy Trust Fund Bill.
Binigyan diin ni Flores na dapat na ibalik sa mga coconut farmers ang coco levy fund na mahigit P9-b dahil pera nila ito at hindi ng gobyerno at kung sinuman.
Reaksion ito ni Flores sa sinabi ng pangulo na ilalagay sa trust fund ang nasabing pondo at magbibigay na lamang siya ng P5-b para sa development ng coconut industry.
Ang coconut levy ay ang buwis na kinolekta sa mga coconut farmers mula 1971 hanggang 1983 noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na umabot sa P9.7-b.