
Nagbabala ang isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Ateneo de Manila University na ang patuloy na pagdami ng flowerhorn cichlid sa Lake Sampaloc sa San Pablo City, Laguna ay nagdudulot ng banta sa biodiversity at posibleng panganib sa kalusugan ng mga komunidad sa paligid ng lawa.
Ayon sa pag-aaral, unang naitala ang presensya ng flowerhorn sa lawa noong 2016 matapos umano itong makatakas mula sa aquarium trade.
Sinabi ng mga mananaliksik na hindi na lamang ito isang escaped ornamental fish dahil isinama na rin ito sa lokal na aquaculture, dahilan upang lalo pang lumawak ang pagkalat nito.
Dahil sa agresibong pag-uugali ng flowerhorn, nahihirapang mabuhay at dumami ang mga katutubong isda tulad ng ayungin, na ngayon ay kabilang na sa mga vulnerable species.
Dagdag pa ng mga eksperto, mabilis ding nakapag-aangkop ang flowerhorn sa maruming kapaligiran, kaya patuloy itong dumarami sa lawa na apektado ng polusyon, microplastics, at iba pang gawaing pantao.




