Hindi maikakaila ang malaking bahagi ng pananampalataya sa naging tagumpay ng mga nagtapos sa Cagayan State University na napabilang sa listahan ng National Topnotchers sa February 2025 Respiratory Therapists Licensure Examination.
Ayon kay Zach Bumanglag, Rank 2 na may 93% rating mula Tuguegarao City, bawat araw ay mayroon silang novena mula review hanggang sa araw ng kanilang pagsusulit.
Pagdarasal rin ang naging sandigan sa nakamit na tagumpay ni Ma. Andrea Gayle Vidad, Rank 3 na may 92.50% rating.
Para kay Vidad, bagamat nawawalan siya minsan ng motibasyon sa pagrereview dahil sa napakaraming dapat aralin subalit dahil sa kanyang pananalig ay nalagpasan niya ang naturang pagsubok.
Kwento ng dalawang topnotchers, bagamat mahirap ang kanilang mga pinagdaanan mula sa pag-aaral, review at sa mismong pagsusulit ay naging sulit naman ito dahil bukod sa pumasa ay napabilang pa sila sa Topnotchers.
Bukod sa pagdarasal, kapwa sinabi ni Bumanglag at Vidad na malaking tulong rin sa kanilang tagumpay ang support system mula sa kanilang pamilya at kaibigan na nakasama nila sa review, maging sa gabay na ipinakita ng kanilang mga proffesor.
Nabatid na galing sa pamilya ng allied health proffesionals si Bumanggalag kung saan nais rin niyang sundan ang yapak ng kanyang mga magulang.
Pinayuhan naman ng dalawa ang mga kukuha ng pagsusulit na gawin ang pinakamataas na antas sa pagrereview bilang paghahanda sa sarili sa pagsusulit.
Matatandaan na pumasa ang lahat ng 139 examinees sa February 2025 Respiratory Therapists Licensure Examination na nagtapos sa Cagayan State University kung saan 25 rito ang napabilang sa listahan ng National Topnotchers.