
Sinuspinde ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang isinagawang consultative meeting kaugnay ng umano’y maanomalyang mga flood control project kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Ayon kay Tulfo, pansamantalang itinigil ang pagpupulong bilang pakikiisa at paggalang sa mga biktima ng lindol. Aniya, nakahanda rin ang mayoryang bloke ng Senado na magbigay ng kinakailangang tulong sa mga maaapektuhan ng kalamidad.
Bago ang suspensyon, nagsagawa ng consultative meeting ang Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Acting Senate President at Senador Sherwin Gatchalian para sa reorganisasyon at ganap na pagbubuo ng komite.
Kabilang sa mga inimbitahan ang 18 lalaki na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps na umano’y nagsilbing courier ng mga kickback sa ilang proyekto ng pamahalaan, kasama ang kanilang legal counsel na si Atty. Levi Baligod.
Gayunman, bagama’t dumating sa Senado ang mga resource person, hindi sila dumalo sa pagpupulong at sa halip ay nagtungo sa tanggapan ni Senador Robinhood Padilla upang magsagawa ng press conference.
Ayon kay Tulfo, naging magulo umano ang mga pahayag ng grupo dahil una nilang sinabing handa silang humarap sa komite ngunit kalaunan ay umatras. Iginiit din niya na tatlong beses na silang inimbitahan ng komite ngunit hindi pa rin sila dumalo sa pagpupulong.
Sinabi ng senador na ang kanilang pagtanggi na humarap sa komite ay nagdudulot ng pagdududa sa kanilang kredibilidad at layunin.
Samantala, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na muli nilang iimbitahan ang 18 katao sa susunod na pagdinig. Binalaan din niya na maaari silang mapatawan ng contempt, mapasailalim sa subpoena, at maaresto kung patuloy silang tatangging humarap sa Blue Ribbon Committee kapag ganap na itong nabuo.




