
Ipinagpatuloy ngayong araw ng Department of Justice o DOJ ang pagdinig sa mga reklamong isinampa laban kina dating Senador Manny Villar, dating Senadora Cynthia Villar, Senador Mark Villar, Senadora Camille Villar, Villar Land Holdings and Corporation, at iba pang respondents.
Sa isinagawang clarificatory hearing, nagsagawa ng masusing pagtatanong ang prosekusyon sa audit firm na Punongbayan & Araullo kaugnay ng kanilang pagsusuri sa halaga ng ilang ari-arian ng Villar group.
Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, hindi niya inaasahan ang naging pahayag ng audit firm na nagbigay sila ng draft financial statements sa kumpanya ng mga Villar kahit hindi pa tapos ang kanilang audit noong 2024.
Ipinaliwanag naman ng Punongbayan & Araullo na ibinigay nila ang draft financial statements sa kahilingan ng kumpanya upang maipakita ang posibleng epekto ng paggamit ng fair-value method sa pagtataya ng halaga ng mga investment properties kumpara sa dating cost method.
Gayunman, tumanggi si Prosecutor Ong na sabihin kung may nakitang iregularidad sa naturang hakbang dahil hindi pa umano tapos ang pagdinig at imbestigasyon sa kaso.
Lumitaw rin sa pagdinig na walang pahintulot o awtorisasyon mula sa audit firm nang ilabas sa publiko ang naturang draft financial statements. Ayon sa audit firm, nalaman na lamang nila ang paglalabas ng dokumento nang ito ay lumabas na sa publiko.
Itinakda ng DOJ ang susunod at posibleng huling pagdinig sa Hulyo 1, 2026, alas-2 ng hapon, upang mabigyan ng pagkakataon ang kampo ng mga Villar na magsumite ng kanilang sagot at depensa.
Nahaharap ang mga respondent sa mga reklamong market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na isinampa ng Securities and Exchange Commission.




