
Itinuturing na isang “non-hearing” o walang opisyal na kapangyarihan ang nagdaang imbestigasyon ng Senado hinggil sa flood control scam.
Ito ang inihayag ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong na ang naganap na pagtitipon ay maituturing lamang na ordinaryong pagpupulong ng ilang mambabatas o “meeting ng magkakaibigan” dahil hindi ito ipinatawag ng bagong pamunuan ng Senado at walang dumalong miyembro mula sa bagong mayorya.
Ayon sa mambabatas, hindi maibibilang sa opisyal na rekord ng Senado ang mga testimonya ng 18 dating sundalo hinggil sa umano’y kickback sa mga flood control project dahil sa kawalan ng quorum, committee secretary, mga regular na staff, at maging mga stenographer na kailangan sa isang opisyal na pagdinig.
Nanawagan si Adiong sa mga senador na agad na resolbahin ang krisis sa liderato upang maibalik ang katatagan ng institusyon.
Giit ni Adiong ang mga nagyayari sa kasulukuyan sa Upper Chamber ay nadadala na sa mga personal na atake at sumisira sa reputasyon ng Senado.
Tiniyak din ni Adiong, anuman ang maging desisyon sa sigalot sa liderato, inaasahan ng Kamara na gagampanan ng Senado ang kanilang konstitusyonal na tungkulin na litisin at magpasya sa parating na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.




