
Isinusulong ni Navotas City Representative Toby Tiangco ang panukalang batas na layong ipagbawal ang paggamit ng protocol “8” plate sa mga kongresista.
Batay sa House Bill 7599, wawakasan na ang umano’y paggamit sa protocol plate bilang pribilehiyo para sa mga pulitiko na nakikinabang dito.
Sa kanyang explanatory note, binigyang-diin ni Tiangco na marami nang insidente na kinasasangkutan ng mga sasakyan na may protocol plates na nagpamalas umano ng mapang-abusong ugali sa kalsada.
Mahirap din aniyang tukuyin kung sino ang nasa loob ng sasakyan dahil daan-daan ang miyembro ng House of Representatives.
Naniniwala ang kongresista na kapag nagpatuloy ang pagbibigay at paggamit ng number 8 protocol license ay posible itong maging pagkakataon para sa mga abusado na hiramin ito, kopyahin, gamitin sa mali at manlinlang upang makaiwas sa batas-trapiko at manakot ng mga motorista at traffic enforcers.
Dapat umanong magsilbing mabuting halimbawa ang mga kongresista sa pamamagitan ng pagpasa ng panukala na tutuldok sa pribilehiyo sa daan.
Sakaling maisabatas, 25,000 pesos ang ipapataw na multa sa sinumang lalabag o pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan.










