TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na suspended na ang paggamit ng control pass simula sa June 1, 2020.
Subalit sinabi ni Soriano na itago lang ang mga hawak na control pass upang may magamit sakali na muling maghihigpit sa mga patakaran kaugnay pa rin sa paglaban sa covid-19.
Idinagdag pa ni Soriano na bagamat maluwag na ang mga patakaran simula sa Hunyo ay bawal pa rin ang mga minor na magpagalagala.
Gayonman, papayagan ang mga senior citizen na lumabas kung bibili ng mga essentials needs.
Sinabi pa ni Soriano na ang tututukan na lang na checkpoint ay sa Namabbalan at sa Maddarulog, Solana at tatanggalin na ang sa Carig.
Ito aniya ay para matutukan ang mga magsisiuwian na mga mamamayan ng Tuguegarao at Cagayan sa ilalim ng “balik-Cagayan” program.
Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na ang mga manggagaling sa Manila ay obligado na sumailalim sa 14 day quarantine.
Sinabi ni Soriano na may quarantine facility sa Tuguegarao Science High School kung saan libre ang kanilang pagkain at iba pa.
Ngunit kung nais ng babalik ng Tuguegarao na tumira sa mga hotel na ginagamit na quarantine facility ay babayaran ng nag-request ang accomodation na P1, 000 per day at pagkain.
Sinabi ni Soriano na dalawang bus ang aalis na mamayang gabi na susundo sa unang batch ng mga magbabalik Tuguegarao mula sa Metro Manila.
Ayon pa sa alkalde, hindi na sila maghahanap ng travel pass kung ang isang indibibidual ay manggagaling sa ibang lugar sa Cagayan subalit kung galing ng ibang probinsiya ay kailangan na magpakita ng nasabing dokumento.
Sinabi ni Soriano na bagamat balik sa normal na ang sitwasyon simula sa Hunyo ay kailangan pa rin na panatilihin ang social distancing, paggamit ng face mask at iba upang makatiyak na hindi makahawa o mahahawaan ng covid-19.