Naniniwala ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Tuguegarao na malaking kabawasan sa polusyon sa hangin ang paggamit ng Electric Vehicle o E-Bike sa pamamasada sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Atty. Noel Mora, pinuno ng CENRO Tuguegarao ay malaki umano ang maitutulong ng paggamit ng E-Bike sa kapaligiran at sa kalusugan ng publiko.
Aniya, isa ang Tuguegarao sa may pinakamaraming bilang ng 2 stroke motorcycle na ginagamit sa pamamasada kayat mayroon ng ordinansa na sa lungsod kaugnay sa gradual phase out ng 2 stroke motor vehicles.
Sinabi pa ni Atty. Mora na ang E-Bike ang isa sa magandang alternatibong pamalit sa mga 2 stroke motor vehicles.
Ang 2 stroke vehicles aniya ay nagbubuga ng matinding usok na nakakadagdag sa polusyon sa hangin.
Giit pa nito na kailangan ng aksyunan ang lumalalang polusyon sa hangin sa lungsod.
Samantala, kasalukuyan na ang ginagawang pag-aaral ng DOST at CSU kaugnay sa pagsusulong sa paggamit ng E-Bike sa lungsod.