TUGUEGARAO CITY-Ipinaliwanag ng Civil Service Commission (CSC)-Region 2 na maaaring gamitin ang quarantine leave na hindi nababawasan ang sick leave benefits kung bumiyahe ang isang empleyado sa lugar na may naitalang nagpositibo sa coronavirus disease (Covid-19).
Pahayag ito ni Nerissa Canguilan, Regional Director ng CSC Region 2, sa pangamba na maaring maging rason ng ilang empleyado na hindi mag-quarantine dahil maibabawas ito sa kanilang sick leave benefits.
Ayon kay Canguilan, walang kailangan ipagbahala ang isang empleyado habang sumasailalim sa quarantine dahil hindi naman mababawasan ang sick leave benefits.
Aniya, kailangang sumunod ang bawat isa sa mga panuntunan ng Department of Health para makaiwas sa naturang virus.
Samantala, posibleng bukas,Marso 16,2020 araw ng Lunes ay ipapatupad na sa lahat ng government agency ang memorandum no. 7 series of 2020 kung saan apat na araw na lamang papasok ang mga empleyado sa kanilang opisina.
Ayon kay Canguilan, ito ay para malimitahan ang pagpasok ng mga empleyado bilang pag-iingat pa rin sa covid-19.
Bagamat apat na araw na lamang na papasok ang mga empleyado, magkakaroon pa rin ng over time dahil bubuoin pa rin ang 40 oras na pagtatrabaho sa isang linggo.
Ito ay para masiguro na magagampanan pa rin ng bawat ahensiya ang kanilang trabaho lalo na ang mga frontline agency.
Kaugnay nito, umaasa si Canguilan na aayusin ng ahensiya ang schedule ng kanilang mga empleyado para maging salitan ang mga ito sa kanilang day off nang masiguro na Lunes hanggang Biyernes ay may tao sa mga opisina.