TUGUEGARAO CITY-Pinayagan na ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ang paggamit ng tricycle, pampubliko man o pribado sa paghatid at pagsundo sa mga health care workers kasunod ng pagsailalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Tuguegarao.
Una rito,isang health care worker mula sa bayan ng PeƱablanca ang naglabas ng kanyang hinanaing sa social media matapos hindi makapasok sa trabaho dahil hinarangan siya ng mga nagmamando sa checkpoint at hindi pinayagang makapasok sa lungsod dahil lulan siya ng tricycle.
Paliwanag ni Mayor Jefferson Soriano na batay sa guidelines na mula sa National Inter-Agency Task force,bawat lugar na isinasailalim sa ECQ ay bawal ang tricycle, pampubliko man o pribado para malimitahan ang galaw ng publiko at maiwasan ang pagkalat ng virus kung kaya’t ito ang kanilang ipinatupad.
Ngunit, dahil sa pangyayari sinabi ng alkalde na humingi sila ng permiso sa RIATF para gamitin ng mga health care workers ang mga tricycle sa pagpasok sa kanilang trabaho na agad namang inaprubahan.
Epektibo agad ang nasabing usapin para hindi mahirapan ang mga health workers sa kanilang pag-uwi at pagpasok sa trabaho.
Mahigpit naman niyang ipinaalala sa publiko na tanging mga health care workers lamang ang maaaring gumamit ng tricycle at ipinagbabawal din ang backriding ngayong ECQ.
Sinabi naman ni PLtCol. Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng PNP-Tuguegarao, kailangan na i-register sa kanilang hotline na 09171328755 ang pangalan ng driver at health worker, body number ng tricycle, oras ng paghatid at pagsundo ng health worker at health facility gaya ng ospital, klinika o botika kung saan nagtatrabaho ang health worker.
Ayon pa kay Tecbobolan na kasama din sa dapat i-text ang lugar na dadaanan para maabisuhan ang mga nagmamando ng checkpoint para maiwasan ang aberya.
Mayroon aniyang matatanggap na mensahe mula sa operator ng PNP Hotline na ito ang ipapakita sa checkpoint.
Aniya, isa health worker lang ang maaring isakay sa tricycle at hindi rin maaaring gamitin sa pagtransport ng iba pang pasahero.
Samantala, sinabi ni Soriano na negatibo sa covid-19 ang maybahay maging dalawa nitong kasamahan kung saan inilabas ngayong araw ang resulta ng kanilang swab test.