Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi na nakakapagtaka sa gobyerno na gumastos ng milyon-milyon o hanggang bilyon sa isang araw.

Sagot ito ni Duterte sa puna ng mga kongresista sa paggasta ng Office of the Vice President ng P16 million na confidential funds para sa upa ng safe houses sa loob lamang ng 11 araw.

Sinabi pa ng ilang kongresista na mas malaki pa ang renta sa safe houses kumpara sa upa sa isang condominium unit sa isang high-end building o luxury resort.

Ayon kay Duterte, noong siya pa ang kalihim ng Department of Education, pumipirma sila ng billions sa isang araw para maglabas ng pera para sa mga programa o mga proyekto, at babalik sa kanila ang mga dokumento.

Kasabay nito, sinabi ni Duterte na “fully cooperated and participated,” at isinusumite sa Commission on Audit ang mga dokumento sa confidetial funds.

-- ADVERTISEMENT --

Pinasaringan pa niya ang mga kongresista na gumagawa umano ng kanilang paga-audit, gayong hindi naman umano siya tinatanong ukol dito ng COA.

Sinabi niya na ang hiningi sa kanila ng COA ay ang mga dokumento para sa expenditures na nagawa naman umano nila.

Ayon kay Duterte, ginagawa ito ng mga kongresista dahil sa nais siyang patalsikin, subalit hindi umano nila ito magawa dahil wala silang kaso para sa impeachment.

Binuweltahan din niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mayroong lima umanong impeachable offense na hindi naman niya idinetalye kung ano ang mga ito.

Subalit, sinabi din niya na hindi papasa sa Kamara ang mga nasabing impeachable offense.

Samantala, matatandaan na isa sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Atty. Resty Osias, DepEd Director IV at dating Bids and Awards Committee IV, na nabigyan siya ng mga envelope na may cash na P12,000 hanggang P15,000 mula Abril hanggang Setyembre 2023.

Sinabi ni VP Sara na hintayin ang susunod na pagdinig dahil sa gusto umano nilang palabasin na ang mga nasabing pera ay mula sa confidential funds.

Pinabulaanan din niya ang alegasyon na ang DepEd, sa ilalim ng kanyang administrasyon, ay gumamit ng certifications mula sa military officials, nang walang alam ang mga sundalo, para bigyang katuwiran ang disbursement ng P15 million na confidential funds nito para sa pagbabayad ng informants noong 2023.

Sinasabing base ito sa dokumento na isinumite ng OVP sa COA na nagsasaad na ang gastos ay para sa Youth Leadership Summit (YLS).