
Ipinag-utos ni Pangulong Fedrdinand Marcos Jr. na direktang ibigay sa local government units ang pondo para sa mabilis na pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan at matugunan ang malalang problema sa kakulangan sa buong bansa.
Ang desisyon ni Marcos na i-decentralize ang paggawa ng mga paaralan, na orihinal na ekslusibong mandato ng Department of Public Works and Highways (DPWH, ay dahil sa nawala ang tiwala nito sa kakayahan ng DPWH na ipatupad ang responsibilidad kasunod ng mababang completion rates at sa gitna ng mga alegasyon ng korupsyon na sangkot ang district engineers.
Sinabi ni Palace press officer Claire Castro, inaasahan na lalagda sa memorandum of agreement ang Department of Education (DepEd) at DPWH kasama ang LGUs sa nasabing usapin.
Ayon kay Castro, gusto ni Marcos na agad na matugunan ang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan, at hindi tatanggapin ng pangulo ang mabagal na aksyon.
Ang direktiba ng pangulo ay kasunod ng pag-amin ni DPWH Secretary Vince Dizon sa Senado noong Lunes na 22 classrooms mula sa 1,700 na target ang naipapatayo pa lamang ng ahensiya.
Sa ilalim ng planong MOA, ida-download ang mga pondo sa LGUs para ipatupad ang paggawa ng mga classroom, habang ang DPWH at DepEd ang magsusubaybay sa mga ito.
Sinisi ng DepEd ang mabagal na paggawa ng DPWH ng mga classroom sa kanilang “heavy workload,” dahil responsable din ito sa planning, design, construction and maintainance ng lahat ng government infrastructure projects, tulad ng mga kalsada at mga tulay, flood control systems, water resource development projects at iba pa.










