
Itutuloy ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng civil forfeiture cases laban sa mga ari-arian ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, sa kabila ng kaniyang pagkasawi matapos mahulog sa bangin sa Benguet.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, bagama’t wala nang bisa ang anumang posibleng pananagutan ni Cabral dahil sa kaniyang pagpanaw, maaari pa ring habulin ang kaniyang civil liability.
Ibig sabihin, posible pa rin na mabawi ang mga ari-arian ni Cabral kung mapapatunayang nakuha ito mula sa iligal na paraan.
Nanghihinayang naman si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Ret. Justice Andres Reyes Jr. sa pagpanaw ni Cabral at sa hindi nito pagsipot nang ipatawag sila noong nakaraang Lunes. Aminado si Reyes na marami pa sana silang pwedeng malaman kay Cabral na makakatulong sa imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.










