TUGUEGARAO CITY-Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya at militar ang ginagawang paghahakot ng isang grupo sa mga katutubong Agta para isama sa kilos- protesta sa paggunita ng Martial Law.
Kaugnay ito sa pagkakasagip sa mahigit limampung Agtas mula Gattaran, Cagayan nang maharang ng pulisya ang kanilang sasakyan sa lungsod ng Tuguegarao at Alcala na umanoy pinangakuan ng isang milyong piso bawat pamilya.
Ayon kay Pcapt. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Cagayan Provincial Police na bineberipika na nila ang mga ulat ng recruitment sa bayan ng Lal-lo at Gonzaga.
Hindi rin inaalis ng PNP ang posibilidad na may kaugnayan ang grupong “National Peoples Initiative Couincil” sa New People’s Army na dapat mabantayan.
Dagdag pa ni Mallillin, hindi alam ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang nagaganap na recruitment sa mga katutubo upang gamitin sa mga rally, kapalit ng pera mula sa Marcos wealth.
Sa ngayon, inihahanda na ng pulisya ang kasong trafficking in person na isasampa laban sa mga nahuling organizer habang sasampahan rin ng kaso ang mag-asawang nagrecruit sa kanila na nasa Maynila.
Bukod sa PNP, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang militar sa posibleng koneksyon ng grupo sa NPA.
Bagamat maganda ang layuning makatulong, sinabi ni Lt. Allen Paul Tubojan, tagapagsalita ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, na huwag maniwala sa mga grupong nag-aalok ng malaking salapi.
Dagdag pa ni Tubojan, ginagamit ang mga Agta sa Cagayan sa isasagawang kilos protesta sa Maynila sa anibersaryo ng Martial Law sa Sep 21.
Nabatid pa na may mga nauna nang mga Agta ang nasa Manila para sa kilos protesta.