TUGUEGARAO CITY-Itinigil na ng mga otoridad ang paghahanap sa magkapatid na mangingisda na unang napaulat na nawawala matapos pumalaot sa karagatang sakop ng Calayan, Cagayan dahil sa nararanasang sama ng panahon dulot ng amihan.
Ayon kay Mayor Joseph Llopis ng Calayan, sinikap ng Philippine Coast Guard (PCG)maging ang Philippine Air force katuwang ang iba pang mag rescue team para mahanap ang dalawa ngunit sila’y nabigo.
Aniya, delikado para sa mga rescue team ang nararanasang malalakas na alon sa lugar kung kaya’t kanilang napagpasyahan na itigil na ang paghahanap.
Matatandaan, Disyembre 28, 2020 nang pumalaot ang magkapatid na sina Herbert,52-anyos at Charles Balmes,48-anyos ng Brgy Magsidel sa karagatang sakop ng Calayan para mangisda ngunit hindi na sila nakabalik hanggang ngayon.
Umaasa naman ang alkalde na may tumulong sa magkapatid sa kalagitnaan ng karagatan at sana ay nasa maayos silang kalagayan.
Kaugnay nito, muling pinalalahanan ni Llopis ang kanyang mga residente na makinig sa mga inilalabas na abiso ng Pag-Asa at huwag nang pumalaot kung masama ang lagay ng panahon para makaiwas sa aksidente.