Sinimulan na ng Department of Education (DEPED) Region 2 ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad na gagamitin sa Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA meet 2020.
Kasabay nito, sinabi ni Ferdinand Narciso, project development officer ng DEPED-RO2 na nagkaroon na rin ng pagpupulong ang Games Management and Administration Committee (GMAC) sa Cauayan City, Isabela na magiging punong abala sa naturang sporting event.
Kabilang sa mga napag-usapan sa pulong ay ang mga nabagong panuntunan sa ibat-ibang larangan ng sports sa national level upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Narciso, ang pagbabago ay nakatuon sa pagpipili ng mga atleta tulad ng edad, maging sa kalidad ng mga kagamitan at pasilidad na gagamitin ng mga manlalaro upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Isasagawa ang CAVRAA sa Feb. 22-26, 2020 na may temang “Resiliency for Quality Sports: Transcending Challenges through Partnership” kung saan magiging panauhing pandangal si Sen. Pia Cayetano.
Matatandaang, naging punong abala ang Provincial Government ng lalawigan ng Isabela nitong CAVRAA meet 2019 matapos iniurong ng lungsod ng Cauayan sa taong 2020 ang pagiging host nito upang mas lalong mapaghandaan at magiging maayos ang gaganaping palaro.