Nagdulot ng fish kill sa mga palaisdaan sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan ang paghalo ng tubig baha sa mga fish cages at ang naranasang malalakas na alon na dulot ng Bagyong Egay.
Ayon kay Carla Pulido De Ocampo, tagapagsalita ng Local Government Unit ng Sanchez Mira na tinatayang umaabot na sa halos P10 milyong halaga ng bangus at iba pang isda ang nasira sa Brgy Minanga.
Bukod sa pagkalunod at stress dahil sa malalakas na alon ay nagbabago ang kalidad ng tubig kapag nahahalo ang baha sa mga palaisdaan na naging sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Samantala, kasunod ng naitalang mahigit P40 milyon na halaga sa pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura ay magagamit na ng naturang munisipalidad ang kanilang calamity fund para sa pangangailangan ng mga apektadong residente matapos aprubahan kahapon ng sangguniang bayan ang resolusyon sa deklarasyon ng state of calamity .
Kinansela na rin ang selebrasyon ng Coconut Festival ngayong taon na magtatapos sana ngayong Hulyo 30 at ang hindi pa nagagamit na pondo na nakalaan para sa pista ay gagamitin para sa kanilang rehabilitation efforts.
Sa ngayon ay nanatili pa sa evacuation center ang nasa 354 na indibidwal na una nang inilikas habang ang 69 individuals ay nakituloy naman sa kanilang mga kaanak at karamihan sa kanila ay wala nang mauuwian dahil sa pagkawasak ng kanilang bahay.
Bilang tugon naman sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda, mayroong mga programa at proyekto na ipinagkakaloob ang Department of Agriculture gaya ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy at Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.