Nagsilbing motibasyon para kay Peter John Ballad ang pagiging simple at pagka-mahiyain para siyay magsumikap at maging Topnotcher sa September 2023 Librarian Licensure Exam.

Ayon sa Top 9 sa katatapos na Licensure Exam at 23-anyos na si Ballad, mula pagkabata ay nakaranas na ito ng diskriminasyon subalit hindi ito naging hadlang para makuha niya ang inaasam sa buhay bagkus ay naging daan pa upang magpatuloy ito sa pag-aaral.

Namulat din siya sa kahirapan at sa katunayan ay miyembro ang kanilang pamilya sa 4Ps na programa ng pamahalaan na naging inspirasyon niya para magpatuloy sa kolehiyo upang maiangat ang kanilang pamumuhay.

Pagbabahagi pa ni Ballad na noong magsimula ito sa kolehiyo ay accounting ang gusto niyang kuning kurso subalit nabigo ito sa entrance examination kung kaya kinuha niya ang kursong Bachelor of Library and Information Science na kanyang tinapos sa Cagayan State University- Carig Campus.

Sa board exam, hindi rin aniya naging madali para sa kanya ang ilang mga subjects kung kaya hindi niya akalain na makakapasa siya at mapabilang pa sa Top 10.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, plano ni Ballad na magtrabaho sa CSU bilang librarian.

Payo naman niya sa mga kabataang nasa kolehiyo na sa panahong gusto nang sumuko, laging iisipin ang mga taong dahilan ng kanilang pagsisikap.