Nakaidlip umano ang driver ng elf truck na isang fish dealer kaya sumalpok ito sa kasalubong na canter double cab na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng dalawang iba pa sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Nakilala ang mga nasawi na pawang lulan ng canter vehicle na pagmamay-ari ng Pulsar Construction na sina Kennedy Alversado, 33-anyos, driver at residente ng Abulug at dalawang checker na mga pasahero nito na sina Janet Anne Olivas at Jerome Castro, 30-anyos mula sa bayan ng Lasam at si Jimmy Olivas, 63-anyos na nakisakay lamang.

Patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan ang driver ng elf truck na si Jimmy Calimag, 45 anyos mula Benito Soliven, Isabela at Bj Jime, 40-anyos mula Ilagan, Isabela.

Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP-Gattaran, lumalabas sa imbestigasyon na nakalampas na sa pakurbadang bahagi ng lansangan sa Brgy Lapogan ang elf truck nang biglang umagaw sa linya ng canter vehicle na dahilan ng kanilang salpukan.

Nabatid na magdedeliver ng mga isda ang elf truck sa Appari, Cagayan na galing pa ng Maynila kung saan mag-isa lamang ang driver nito nang mangyari ang aksidente dakong alas sais ng umaga habang papuntang Tuguegarao naman ang canter vehicle upang kumuha ng sahod ng mga trabahador.

-- ADVERTISEMENT --

Sa lakas ng salpukan ay agad na nasawi ang mga pasahero ng canter vehicle na naipit sa sasakyan habang nagdulot naman ng pagsikip ng trapiko sa lugar matapos tumilapon sa lansangan ang mga isda na agad namang nalinis sa tulong ng Bureau of Fire Protection.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damaged to properties laban sa driver ng elf truck.