TUGUEGARAO CITY-Binigyan diin ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa kanyang talumpati sa oath taking kaninang umaga ng mga bagong halal na mga opisyal ng lungsod ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa para sa pag-unlad.

Sinabi ni Soriano na hindi uusad ang Tuguegarao kung magkakaroon ng pagkakahati-hati ng mga opisyal at mga mamamayan ng lungsod.

Idinagdag pa niya na dapat na pairalin pa rin ang demokrasya sa lungsod sa pamamagitan ng pagrespeto sa pananaw at paniniwala ng bawat isa.

Bukod dito, sinabi ng alkalde na hindi dapat na maging hadlang sa mga pagpapatupad ng mga programa at mga proyekto ang mga hindi pagkakaunawaan sa halip ay gamitin ito para sa malusog na pamamahala.

Kasabay nito, sinabi ni Soriano na kumpleto ang inilatag nilang 16 point agenda na kanilang sisikapin na ipatupad hanggang sa matapos ang kanyang termino sa 2022.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya,ang nasabing mga agenda ang kanilang magiging giya upang maipatupad ang lahat ng mga programa na para sa kapakanan ng bawat mamamayan ng Tuguegarao.

Inilatag din ni Vice Mayor Bienvenido De Guzman ang mga magiging prioridad ng 8th city council.

Kasabay nito, sinabi ni De Guzman na kailangan pa rin ang pagtiyak sa transparency kahit na magiging maganda ang relasyon ngt executive at legislative branch ng pamahalaang panlungsod.

Samantala, si Judge Maita Israel Deray ang nagpanumpa kay Soriano habang si Judge Raquel Aglaua naman kay De Guzman at mga miembro ng konseho.