Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang miyembro ng New Peoples Army na nasawi sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng 95th Infantry Batallion ng 502nd Infantry Brigade at komunistang grupo sa Brgy San Carlos, Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Army Maj. Rigor Pamittan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, pinoproseso na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang otopsiya ng bangkay ng isang babae at isang lalaki upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin ang militar sa mga sumukong rebelde sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng dati nilang kasamahan na miyembro ng East Front Commitee ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.

Sinabi ni Pamittan na nangyari ang sagupaan matapos ang sunud-sunod na sumbong ng mga residente kaugnay sa presensya ng mga armadong grupo sa lugar na posibleng may planong maglunsad ng mga pag-atake para sa nalalapit na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines sa December 26.

Tumagal ng halos isang oras ang sagupaan ng nasa tinatayang 12 miyembro ng NPA na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde at posibleng may mga nasugatan pa dahil sa nakitang ilang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng engkwentro habang wala namang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha rin sa lugar ang isang 5.56mm R4 riffle at mga subersibong dokumento at kagamitan na makakatulong sa intelligence gathering sa posibleng ikadarakip ng mga tumakas na rebelde.

Sa kabila ng tagumpay, sinabi ni Pamittan na ikinalungkot ng kanilang hanay ang pagkawala ng dalawang buhay subalit hindi aniya titigil ang kasundaluhan sa paggampan sa kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng militar, katuwang ang Philipine National Police sa lugar habang ikinasa na rin ang malawakang checkpoint ng PNP at militar sa buong lalawigan ng Cagayan.