Mas pagtutuunan ng pansin ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang post harvest mechanization ngayong panahon ng tag-ulan.

Sinabi ni Rose Mary Aquino, regional executive director ng DA Region 2 na mababa pa ang lebel ng kasapatan ng mechanization sa post harvest sa rehion at ito ang kanilang focus upang matiyak ang mataas pa rin na produksion at kita ng mga magsasaka.

Ayon sa kanya, isa sa kanilang pinaplano ay ang pagkakaroon ng mobile dryers upang marating nila maging ang mga magsasaka sa malalayong lugar na kailangan na patuyuin ang kanilang mga aning palay.

Sinabi niya na higit na wala ring silbi ang kanilang ibinibigay na mga libreng abono ng palay at iba pang interventions ng ahensiya kung masisira din ang kanilang mga ani dahil sa walang drying facility na gagamitin ang mga magsasaka.

Kaugnay nito, sinabi ni Aquino na patuloy din ang kanilang pagtuturo sa mga magsasaka sa balance fertilization strategy para sa mas mataas na produksion ng palay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na batay sa kanilang documentation sa good practices ng ilang magsasaka sa paggamit ng nasabing stratehiya ay halos dumoble ang kanilang ani.

Samantala, sinabi ni Aquino na patuloy ang pagpapatayo ng high bio secured na mga swine facility sa rehion.

Ayon sa kanya, umaasa siya na sa pamamagitan nito ay maibabalik ang nawalang mga baboy dahil sa African swine fever.

Kaugnay nito, sinabi niya na hinihintay na rin nila kung kailan maaaring maging available ang bakuna laban sa ASF upang makatulong din sa mga backyard raisers na hindi na kontrol ng kanilang tanggapan.