Tuguegarao City- Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pagkakaroon ng sapat na relief goods na ipapamahagi sa mga posibleng maaapektohan ng bagyong Siony.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lucy Alan, Asst. Regional Director ng DSWD Region 2, pinapanatili ng kagawaran ang 20,000 family food packs na stocks sa kanilang mga warehouse upang may maipang ayuda sa mga Local Government Units na mangangailangan.

Kaugnay nito, aabot sa 2,100 family food packs ang nakaantabay ngayon sa lalawigan ng Batanes na sinasabing magiging sentro ng bagyong Siony.

Ayon pa kay Alan, sakali na maubos ito ay mayroong mahigit P6M na pondong nailaan para makabili ng relief goods para sa mga apektadong pamilya.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan din aniya ang DSWD Region 2 sa mga LGUs upang mamonitor ang sitwasyon ng bawat munisipalidad sa Rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ihihayag pa ni Alan na mayroong 69 na stranded individuals na pauwi sana ang Calayan ang nabigyan na rin ng ayuda.

Sa kasalukuyan ay nasa bayan ng Aparri ang mga ito at hindi sila nakauwi dahil naabutan ng sama ng panahon.