Inihayag ng Department Migrant Workers (DMW) at Philippine Embassy sa Kuwait na isang isolated case ang pagkakasangkot ng isang Filipino domestic worker sa pagkamatay ng anak ng kanyang employer sa Kuwait, at hindi ito sumasalamin sa values ng mga Pinoy o overseas Filipino workers (OFWs).

Sa statement, sinabi ng Philippine Embassy sa Kuwait, nabigla at nalungkot sila sa nasabing trahedya, at ipinarating ang kanilang pakikidalamhati at panalangin sa pamilya ng bata.

Idinagdag ng embahada na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad ng Kuwait para sa imbestigasyon sa nasabing insidente.

Batay sa reports, ipinasok umano ng Filipina domestic worker ang batang Kuwaiti sa loob ng washing machine sa bahay ng kanyang employer.

Agad na pumunta ang mga magulang ng bata ng marinig ang sigaw ng kanilang anak na lalaki at dinala siya sa ospital, kung saan pumanaw dahil sa kanyang mga tinamong pinsala.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag naman ng matinding pagkabahala ang DMW sa nasabing insidente.

Ipinarating na rin ng DMW ang kanilang pakikidalamhati sa pamilya ng bata at sa Kuwaiti government kasabay ng pagtiyak ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon.

Idinagdag pa ng DMW na nagbibigay na rin sila ng mga kailangang tulong sa nakakulong na OFW batay sa mga batas ng Kuwait at kanilang mandato.

Ang insidente ay nangyari ilang buwan matapos na tanggalin ng Kuwait ang visa ban sa OFWs noong buwan ng Hunyo kasunod ng kasunduan na muling buksan ang recruitment ng domestic workers.

Nag-ugat ang ban na ipinatupad noong May 2023 sa pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara, kung saan nadiskubre ang sinunog at inilibing na labi nito sa disyerto noong Jan. 21, 2023, matapos siyang patayin ng anak na lalaki ng kanyang employer.