Tuguegarao City- Pormal na itinalaga ang 501st Infantry Brigade, Philippine Army sa lalawigan ng Cagayan bilang bahagi ng mandato ng kasundaluhan na wakasan ang banta ng insurhensiya.

Ito ay matapos muling iactivate ng Philippine Army ang nasabing unit kung saan sakop nito ang bahagi ng Cagayan at Apayao.

Sa panayam kay MAJ. Jekyll Julian Dulawan ng Division Public Affairs Office, 5th ID, dati ng itinalaga ang nasabing unit sa Region 2 ngunit dinala ito sa Jolo, Sulu sa mga nakaraang taon.

Aniya, isinailalim sa pangangasiwa ng 501st IB ang 17th at 77th Infantry Battalion na ngayon ay sumasakop pa rin sa Cagayan.

Sinabi pa ni Dulawan na pangunahing layunin ng pagkakatalaga nito sa rehiyon ay upang palakasin pa ang humanitarian assistance ng kasundaluhan sa mga kominidad.

-- ADVERTISEMENT --

Ito rin aniya ay karagdagang puwersa upang wakasan ang maling gawain ng mga makakaliwang grupo lalo na ang kanilang ginagawang recruitment at panlilinlang.

Binigyang diin pa nito na ang muling pagbuhay sa nasabing unit ng kasundaluhan ay dahil sa pagiging seryoso ng gobyerno na maihatid ang pag-unlad at kapayapaan ng komunidad sa lalawigan.

Hinikayat pa nito ang mga NPA na sumuko nalang at makipagtulungan sa pamahalaan upang makamit ang hinahangad na pagbabago ng bansa.