TUGUEGARAO CITY-Kailangan ay may mapanagot at magkaroon nang malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Ito ang naging panawagan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)matapos mamatay si Dormitorio dahil hazing sa loob ng Philippine Military Academy(PMA).
Ayon kay Atty. Egon Cayosa, President ng IBP, sana ay hindi na abutin ng “siyam siyam” o napakatagal na panahon ang kaso bago ito mabigyan ng hustisya at mapanagot ang sinumang may sala.
Aniya, ang nangyari kay Dormitorio ay pagpapakita lamang na madami ang hindi sumusunod sa mahigpit na pagpapatupad ng anti-hazing law sa bansa.
Hindi rin umano magandang pangitain na ang mga susunod na maging tagapagpatupad ng batas ay hindi na marunong sumunod sa batas ngayon.
Ito’y dahil mga upperclassmen din ni Dormitorio ang may kagagawan sa pagmamalabis na pananakit sa kadete.
Dapat tingnan na rin aniya ang mentality at attitude ng mga estudyante maging ang mga kawani ng PMA dahil paano aniya nangyari ang hazing ng hindi alam ng mga opisyales.
Samantala, sinabi ni Cayosa na nararapat lamang na bumaba sa pwesto o kinauukulan ang mga officers ng PMA dahil nagkulang at nakalusot sa sakanila ang paglabag sa naturang batas.
Aniya, maaring walang derektang kasalanan ang mga ito sa naturang pangyayari, may pananagutan pa rin ang mga ito dahil sila ang heads ng institusyon at kailangan alam nila ang mga nangyayari sa loob ng PMA.