
Posible umanong sinadya ang sunog na tumupok sa apat na bahay sa Campos St, Brgy. Caritan Sur, Tuguegarao City.
Ayon kay Brgy Chairman Ernesto Garma, batay sa naging rebelasyon ng may-ari ng bahay na pinagmulan ng apoy, arson ang nakikita nilang dahilan ng pagkaabo ng bahay kung saan nadamay ang tatlong iba pa, kasama ang dalawang abandonadong bahay na pawang gawa sa light materials.
Mayroon kasi aniyang naamoy na gasolina bago pa man lumaki ang apoy.
Dagdag pa ni Garma, karamihan sa mga fire fighters na dumating ay mga babae kung kaya tumulong na rin ang mga barangay officials hanggang sa hiningi ang tulong ng BFP mula sa tatlong kalapit na bayan.
Nakadagdag rin aniya sa pagkaantala na maapula ang apoy ang mga tao na nanonood at nagbi-video sa sunog
Samantala, emosyonal na naglabas ng loob ang caretaker ng isa sa mga bahay na nasunog dahil sa halip na sila ay tulungan ay mas inuna pa ng mga tao na kumuha ng video para lang may mai-post sa social media.
Ayon sa kay Ginang Mirasol Calimag, wala silang nailigtas na gamit, kung saan nadamay ang ipon niyang pera para sa pag-aaral ng kanyang anak.
Kabilang naman sa nadamay sa sunog ang ilang sasakyan na kinabibilangan ng dalawang bagong motorsiklo, at kolong-kolong; makina ng kuliglig at marami pang kagamitan.
Sa ngayon ay nagsasaagawa na ng assesment ang DSWD para sa tulong na maaaring ibigay sa mga nasunugan na pansamantalang nakikituloy sa kanilang kapitbahay.
Tinutugunan na rin ng barangay ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan.










